Bukas ang Department of Education (DepEd) na hingin ang rekomendasyon ng pambansang pulisya at psychiatrist groups kaugnay sa gagawing nationwide active attack threat drill, sa susunod na linggo.
Ngayong August 25 sana isasagawa ang drill, subalit ipinagpaliban dahil bukod sa may puna ang ibang grupo ay suspendido pa rin ang face-to-face classes sa ibang eskwelahan.
Ayon kay DepEd Undersecretary for Governance and Operations Dr. Malcolm Garma, mahalagang matukoy ang magiging tugon ng pulisya sakaling may pag-atake sa mga eskwelahan, gayundin ang mga suhestiyon mula sa mga esksperto.
Samantala, nilinaw ng DepEd na ang mga eskwelahan ang mangunguna sa drill at hindi ang mga pulis, kasabay ng direktiba na iwasan ang hyper-realistic simulations na posibleng magdulot ng stress o takot sa mga estudyante.