Photo courtesy of USWAG Ilonggo Party-list/Facebook
Ibinasura ng Sandiganbayan 6th Division ang mga mosyon ni Uswag Ilonggo Party-list Rep. James “Jojo” Ang Jr. na pag-isahin at ipawalang-bisa ang mga graft case laban sa kanya.
Sa magkahiwalay na resolusyon, sinabi ng anti-graft court na walang sapat na merito ang mga mosyon ni Ang, kabilang ang argumento na may magkakaparehong usapin sa batas at mga pangyayari ang mga kaso.
Ayon sa korte, magkahiwalay at magkakaiba ang mga proyektong sangkot sa bawat kaso kaya hindi kinakailangang pagsamahin ang mga kaso at maaari pa itong makapagpaantala sa paglilitis.
Tinanggihan din ng Sandiganbayan ang argumento ni Ang na wala itong hurisdiksyon sa mga kaso.
Si Ang ay kabilang sa mga mambabatas na kinasuhan ng Office of the Ombudsman kaugnay ng flood control mess.
Una na ring naghain ng pyansa si Ang para sa lahat ng kasong kinakaharap niya.