Pinag-aaralan pa ng House prosecution panel kung ipapatawag bilang hostile witness si Colonel Raymund Dante Lachica sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House prosecution legal spokesperson Atty. Benjamin Tolosa Jr., hindi basta-basta ipinapatawag ang isang hostile witness dahil hindi tiyak kung magsasabi ito ng totoo, magiging evasive o tatangging sumagot sa mga tanong.
Maaari rin aniya siya magkaroon ng personal na pananagutan, kabilang ang posibilidad ng hiwalay na criminal case o court martial, na maaaring makaapekto sa kanyang magiging testimonya.
Gayunman, iginiit ni Tolosa na hindi pa kinakailangang ipatawag si Lachica dahil sa pananaw ng prosecution, nakumpleto na ang mahahalagang punto sa kanilang kaso kaugnay ng umano’y misuse ng ₱500 milyong confidential fund.
Aniya, mayroon nang testimonya tungkol sa pag-withdraw ng pera, pag-abot nito kay Lachica na hindi umano Special Disbursement Officer o bonded officer, at mga isyung nakita sa liquidation at supporting documents.
Dahil dito, sinabi ni Tolosa na tinitimbang pa ng prosecution kung mas malaki ang magiging pakinabang kaysa panganib sa pagpapaharap kay Lachica sa witness stand.
Gayunman, nilinaw niyang hindi pa inaalis si Lachica sa listahan ng mga posibleng testigo.