Hinimok ni Executive Secretary Ralph Recto ang mga local government unit (LGU) na gamitin nang tama at maayos ang mga pondong ipinagkakaloob ng pamahalaan, lalo na ang Local Government Support Fund (LGSF), para sa kapakinabangan ng mga mamamayan.
Ang paghimok ni Recto ay kasunod ng kanyang pagdalo sa Luzon Island Cluster Conference ng League of the Municipalities of the Philippines (LMP), na isinagawa sa Iloilo Convention Center noong Martes, August 25.
Ayon kay Recto, mahalagang magamit ang pondo sa loob ng taon at mailaan ito sa mga programang may direktang epekto sa kaligtasan at kapakanan ng mga komunidad.
Binigyang-diin din ni Recto ang kahalagahan ng pagiging future-ready at disaster-ready ng bawat bayan, lalo na sa harap ng mga kalamidad gaya ng bagyo at habagat.
Aniya, dapat tuloy-tuloy ang pagbibigay ng serbisyong pangkalusugan, mabilis ang rescue operations, hindi napuputol ang pamamahagi ng ayuda at iba pang pangunahing serbisyo, at mabilis ding nakakabangon ang mga komunidad matapos ang kalamidad.
Kasabay nito, binigyang-diin ni Recto na kailangang seryosohin ng mga LGU ang problema sa basura, na isa sa mahahalagang suliraning kinahaharap ng mga komunidad.
Kaya naman, hinikayat niya ang mga LGU na gamitin ang LGSF, National Tax Allotment (NTA), at iba pang available na resources upang palakasin ang mga programa para sa climate adaptation, disaster preparedness and response, at solid waste management. Giit ni Recto, mahalagang maging maagap ang mga lokal na pamahalaan upang mas maging handa ang mga komunidad sa mga hamon ng kalamidad at matiyak na tuloy-tuloy ang paghahatid ng mga pangunahing serbisyo sa mga mamamayan.