Sinuspende ng 90 araw ng Land Transportation Office (LTO) ang lisensya sa pagmamaneho ng isang aktor na sangkot sa pagbangga sa tatlong establisimyento at isang nakaparadang motorsiklo sa Marcos Highway, Antipolo City, Rizal.
Ayon kay LTO Chief Marcus Lacanilao, nawalan ng kontrol ang hindi pinangalanang aktor sa minamaneho nitong sasakyan, na napunta sa kabilang linya ng kalsada at bumangga sa mga establisimyento.
Isang indibidwal ang nasugatan sa insidente. Inamin ng aktor na siya ang nagmamaneho ng sasakyan at nakatulog umano dahil sa matinding pagod.
Nag-isyu na ang LTO ng Show Cause Order laban sa rehistradong may-ari at driver ng sasakyan.
Haharap ang aktor sa Intelligence and Investigation Division sa Agosto 28 para sa pagdinig at pagsusumite ng sinumpaang paliwanag at mga kaukulang dokumento.
Inilagay rin ng LTO sa alarm status ang sasakyan habang nagpapatuloy ang imbestigasyon. Maaaring maharap ang aktor sa karagdagang pananagutan, kabilang ang kasong reckless driving at posibleng pagbawi ng kanyang lisensya dahil sa pagiging Improper Person to Operate a Motor Vehicle.