Kabalikat ng pamahalaan ang St. Lukes Medical Center sa pagpapaabot ng dekalidad na serbisyong medikal para sa mga Pilipino.
Ngayong umaga, sinaksihan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang paglagda sa isang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng St. Lukes at PhilHealth, upang mabigyang-daan ang mga miyembro ng PhilHealth na i-maximize ang kanilang benepisyo.
Ang St. Lukes, naglaan ng 53 kama para sa No Balance Billing ng mga qualified PhilHealth member para sa basic ward accomodation.
”Pero ito ay para hindi na matatakot ang mga nagkakasakit na pumunta sa private hospital dahil wala silang pambayad. Ito’y napakalaking bagay at simula lang siguro ito. St. Luke’s ang — nag-umpisa tayo sa St. Luke’s at paparamihin pa natin ‘yan para lahat na talaga ng ating mga facilities, healthcare facilities ay kasama na sa mga programa natin,” pahayag ng Pangulong Marcos.
Sa ganitong paraan din, mapadadali ang pag-access ng mga ito sa medical services ng ospital.
“Kaya kahit na ‘yung dati na — ’yung hindi nakakapunta sa private hospital kagaya ng St. Luke’s ay matutulungan na makapunta rito at bibigyan natin ng suporta na galing — ‘yung kagaya ng dati sa PhilHealth, sa DOH, at sa… kung minsan kahit sa Office of the President,” dagdag ng Pangulong Marcos.
Ang St. Lukes, patuloy na sisiguruhin ang world-class medical care para sa mga Pilipino, sa pamamagitan ng kanilang highly trained specialist, advance technology, komprehensibong clinical services, at patient-centered care.
Magkakaroon ng dedicated teams ang St. Lukes, natutulong sa mga miyembro ng PhilHealth na magamit ang kanilang benepisyo, makumpleto ang kanilang requirements, at ma-proseso ang mga kinakailangang dokumentasyon.
“Para kahit na hindi lang ‘yung mga may kaya ang makakapunta sa ating mga private hospital para makakuha sila nung specialized na healthcare na kung minsan ay kinakailangan nila ngunit wala silang pambayad kaya hindi sila lumalapit at hindi sila nagpapatingin sa ating mga private hospital,” ani Pangulong Marcos.
Sinasalamin ng MOA na ito ang kahalagahan ng balikatan sa pagitan ng gobyerno at ng pribadong sektor, para sa pagpapa-igting pa ng healthcare sector ng Pilipinas.
“Ito ‘yung mga bago natin ginagawa para palawakin pa rin, palawakin ang suporta na ibinibigay natin sa ating mga pasyente para patibayin, pagandahin ang ating healthcare system para mas marami tayong matulungan at matamo na rin natin, maabot na rin natin ‘yung ating pinapangarap na universal healthcare,” pahayag ng Pangulong Marcos.