Kinumpirma ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang naunang lumabas na ulat na tinanggap na ng Malacañang ang pagbibitiw sa puwesto ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda.
Sa Kapihan with Media, inihayag ni Pangulong Marcos na naging mabigat na konsiderasyon sa pagtanggap sa pagbibitiw ni Aguda ang isinasagawang imbestigasyon ng Office of the Ombudsman laban sa kalihim.
May kaugnayan ito sa umano’y mga ghost connectivity project na sinisiyasat ng tanggapan ni Ombudsman Jesus Crispin Remulla.
Samantala, inihayag ng Pangulo na papalitan ni PTV-4 General Manager Lino Cayetano si Acting Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez.
Kasunod ito ng pagkaka-bypass kay Gomez sa Commission on Appointments.
Natanong din ang Pangulo tungkol sa sinasabing pagbabalik ni Department of Public Works and Highways (DPWH) Secretary Vince Dizon sa Department of Transportation (DOTr), ngunit sinabi ng Chief Executive, “Right now, it’s a no.”