Isinusulong ni Parañaque 2nd District Representative Brian Yamsuan ang muling pagtutok sa Good Manners and Right Conduct (GMRC) upang mapatatag ang moral foundation ng mga kabataang Pilipino.
Ayon kay Yamsuan, hindi lamang wastong asal at kagandahang-asal ang layunin ng GMRC kundi ang paghubog ng mga kabataan bilang mga mamamayang may karakter at konsensya.
Aniya, dapat magsilbing wake-up call sa pamahalaan, mga guro at magulang ang mga insidente ng bullying at karahasan sa mga paaralan.
Nanawagan siya sa Kongreso at Department of Education (DepEd) na repasuhin at palakasin ang pagpapatupad ng batas na nag-iinstitutionalize sa GMRC at Values Education, gayundin ang Anti-Bullying Act at mga batas para sa mental health.
Iginiit din niyang dapat ituro ang GMRC bilang hiwalay na asignatura mula Grade 1 hanggang Grade 10 at bigyan ng kaparehong prayoridad gaya ng Math at Science.
Dapat ding bigyan ng sapat at tuloy-tuloy na training ang mga guro at palakasin ang ugnayan ng paaralan at mga magulang dahil hindi lamang mga guro ang may responsibilidad sa character formation ng mga bata, ayon kay Yamsuan.
Itnukoy niya ang resulta ng PISA 2022, kung saan isa sa bawat tatlong Pilipinong estudyante ang nakararanas ng bullying kahit isang beses kada linggo
Kaya aniya ang kalidad ng edukasyon ay dapat masukat hindi lamang sa talino kundi sa paghubog ng mga mamamayang may mabuting asal at karakter.