Photo courtesy of Department of Social Welfare and Development (DSWD)
Sa kabila ng mga nasirang daan at landslide dulot ng Habagat, naihatid na ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang food assistance sa mga pamilyang nananatiling isolated sa Barangay Sta. Maria, Abra de Ilog, Occidental Mindoro.
Ayon sa DSWD, nasa 499 pamilya ang nananatiling isolated sa lugar dahil sa limitadong access dulot ng epekto ng masamang panahon.
Katuwang ang Regional Mobile Force Battalion o RMFB ng Philippine National Police at mga kawani ng barangay, naghatid ang DSWD Field Office MIMAROPA ng 499 family food packs o FFPs para sa mga apektadong pamilya.
Maingat na isinakay sa mga bangka ang food packs para ligtas na maihatid ang mga ito sa komunidad na hindi madaling mapuntahan sa pamamagitan ng kalsada.
Tiniyak naman ng DSWD na patuloy na pinaiigting ang paghahatid ng tulong sa mga komunidad na mahirap ma-access at higit na nangangailangan ng suporta sa panahon ng kalamidad.