Naghanda na ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila ng mahigit 250,000 Doxycycline capsules bilang pag-iingat sa posibleng pagtaas ng kaso ng Leptospirosis kasunod ng mga pagbaha.
Ayon kay Manila Mayor Francisco “Isko Moreno” Domagoso, maaaring makuha ang gamot sa mga health center at ospital ng lungsod para sa mga nalantad sa baha at nangangailangan nito batay sa payo ng health professionals.
Sinabi ni Domagoso na nakahanda rin ang pitong ospital at 44 health center ng Maynila sakaling dumami ang mga pasyenteng may sintomas ng Leptospirosis.
Bagama’t mas mababa pa sa ngayon ang bilang ng mga kaso kumpara sa kaparehong panahon noong nakaraang taon, posibleng tumaas pa ito dahil sa inaasahang mga pag-ulan at pagbaha.
Nilinaw ng alkalde na maaari ring makinabang sa gamot ang mga hindi residente ng Maynila.
Pinapayuhan naman ang publiko na iwasang lumusong sa baha at agad magpakonsulta sa health center o ospital kapag nalantad sa maruming tubig.