Ipinanawagan ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando ang mas malawak na labor protection para sa mga Filipino Sign Language o FSL interpreters.
Ayon kay San Fernando, nananatiling “invisible workforce” ang mga interpreter na mahalaga sa pagbibigay ng access sa korte, ospital, paaralan at iba pang serbisyo ng gobyerno.
Aniya, kulang ang plantilla positions, standardized compensation at proteksyon laban sa occupational hazards para sa mga interpreter.
Iginiit niyang hindi lamang volunteers ang mga FSL interpreter kundi mga propesyunal na gumagawa ng mahirap at highly skilled na trabaho.
Kinondena rin ni San Fernando ang online harassment at pangungutya sa mga interpreter na ginagamit bilang memes sa social media.
Hinimok niya ang Kongreso at mga ahensya ng gobyerno na magpatupad ng national workforce strategy para sa FSL interpreters.
Kabilang sa panukala ang regular na plantilla positions sa mga korte at pampublikong ospital, labor at compensation standards, scholarships at pag-update sa 43 taon nang Accessibility Law o Batas Pambansa 344 upang matugunan din ang digital at communication barriers.