Nanawagan si Senador Mark Villar para sa mabilis na pagpasa ng Senate Bill 1870 o ang proposed “Travel Tax Abolition Act” na naglalayong tuluyang alisin ang travel tax na ipinapataw sa mga Pilipinong bumibiyahe palabas ng bansa.
Ayon kay Villar, hindi dapat maging dagdag na pasanin sa mga Pilipino ang pag-alis ng bansa, lalo na sa mga bumibiyahe para magtrabaho, mag-aral, magpagamot, magnegosyo o makasama ang kanilang pamilya.
Ipinakilala ang travel tax noong 1977 sa ilalim ng Presidential Decree No. 1183, noong itinuturing pang pribilehiyo ang paglalakbay sa ibang bansa.
Para kay Villar, hindi na angkop sa kasalukuyang panahon ang naturang polisiya.
Sa kasalukuyan, nagkakahalaga ng P1,620 ang buong travel tax para sa economy-class passengers at P2,700 naman para sa first-class passengers.
Sa ilalim ng panukala, pagbabawalan ang mga ahensya ng gobyerno at private entity na maningil ng travel tax kapag naging batas ang panukala.
Ang mga pasaherong nakapagbayad na ng travel tax para sa mga flight na nakatakda sa o pagkatapos ng effectivity ng batas ay maaari ring humingi ng agarang refund.
Layunin din ng panukala na suportahan ang mga layunin ng ASEAN Tourism Agreement na naglalayong gawing mas madali ang paglalakbay at palakasin ang connectivity sa mga bansang kasapi ng ASEAN.
Samantala, tiniyak ni Villar na may safeguard ang panukala para hindi maantala ang mga programa ng gobyernong kasalukuyang pinopondohan mula sa travel tax collections. | ulat ni Nimfa Asuncion