Naipresenta na sa plenaryo ng senado ang Senate Bill 2423 o “Bagong Balikbayan Act,” na naglalayong magtatag ng komprehensibo at pangmatagalang reintegration program para sa mga Overseas Filipino Workers (OFWs) na umuuwi sa bansa.
Ayon kay Senate Committee on Migrant Workers Chairman Senador Raffy Tulfo, hindi dapat matapos sa simpleng cash assistance o food packs ang suporta ng gobyerno sa mga OFW na nawalan ng trabaho o napilitang umuwi dahil sa krisis.
Sa ilalim ng panukala, sisimulan ang reintegration process anim na buwan bago ang pag-uwi ng OFW at tututok sa apat na aspeto: education, psychosocial support, entrepreneurship at employment.
Magkakaroon din ng database para sa job matching, livelihood training, financing at loan programs, social assistance, psychological counseling, at iba pang suporta para sa returning OFWs.
Saklaw ng panukala ang documented at undocumented OFWs, land-based at sea-based workers, gayundin ang mga na-repatriate dahil sa emergency at mga nangangailangan ng espesyal na assistance. | ulat ni Nimfa Asuncion