Nanawagan si Senator-Judge Alan Peter Cayetano sa prosecution at defense na maging mas maingat sa paggamit ng mga salita sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte para mapanatili ang integridad ng paglilitis at maiwasan ang pagbuo ng negatibong impresyon sa publiko.
Sa kanyang interjection sa ika-18 araw ng impeachment trial, sinabi ni Cayetano na maaaring magkaroon ng malaking epekto ang mga salitang ginagamit ng magkabilang panig, lalo na kapag may emosyonal o negatibong kahulugan ang mga ito.
Ayon sa senator-judge, iba na ang epekto ng mga pahayag sa panahon ngayon dahil mabilis itong kumalat sa social media.
Binigyang-diin niya na kahit bawiin o i-withdraw ang isang pahayag sa loob ng impeachment court, maaari na itong magkaroon ng sariling buhay kapag narinig na ng publiko at naipalabas sa media.
Aniya, hindi lang ang mga senator-judges ang nakikinig sa mga argumento ng magkabilang panig, kundi maging ang publiko.
Partikular na binanggit ni Cayetano ang paggamit ng mga bansag gaya ng “scam,” “scammer” at “nagnakaw” na aniya ay maaaring magdulot ng matinding negatibong impresyon.
Sinabi niyang wala siyang pagtutol sa paggamit ng mga terminong ito sa mga pleading o articles of impeachment, pero mas mainam na manggaling ang mga naturang pahayag sa mismong testigo o maayos na ma-frame ang mga ito bilang bahagi ng pagtatanong.
Binigyang diin Cayetano, mahalagang mapanatili ang integridad hindi lang ng impeachment court kundi maging ng magiging desisyon nito sa huli. | ulat ni Nimfa Asuncion