Photo courtesy of Presidential Communications Office
Hindi na matatakot ang mga nagkakasakit na pumunta sa private hospital dahil wala silang pambayad.
Ito ang sinabi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. makaraang malagdaan ang Memorandum of Agreement (MOA) sa pagitan ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) at St. Luke’s Medical Center-Global City (SLMC-GC), na layong palakasin ang pagpapatupad ng No Co-Payment Policy para sa mga kwalipikadong miyembro ng PhilHealth na naka-admit sa basic o ward accommodation ng ospital.
Ang kasunduang ito, nagpapakita ng commitment ng magkabilang panig upang suportahan at palakasin ang implementasyon ng Universal Health Care agenda ng administrasyon.
“Ito ay para hindi na matatakot ang mga nagkakasakit na pumunta sa private hospital dahil wala silang pambayad. Ito’y napakalaking bagay at simula lang siguro ito. St. Luke’s ang—nag-umpisa tayo sa St. Luke’s at paparamihin pa natin ‘yan para lahat na talaga ng ating mga facilities, healthcare facilities ay kasama na sa mga programa natin.” —Pangulong Marcos Jr.
Nagbibigay daan din ang kasunduan, upang maging mas abot-kamay ang de-kalidad na medical services para sa mga kwalipikadong miyembro ng PhilHealth sa mga nangungunang pribadong ospital.
“Ito ‘yung mga bago natin ginagawa para palawakin pa rin, palawakin ang suporta na ibinibigay natin sa ating mga pasyente para patibayin, pagandahin ang ating healthcare system para mas marami tayong matulungan at matamo na rin natin, maabot na rin natin ‘yung ating pinapangarap na universal healthcare.” —Pangulong Marcos Jr.
Sa ilalim kasi ng No Co-Payment Policy, hindi na kailangang magbayad ng karagdagang singil ang mga kwalipikadong miyembro ng PhilHealth na naka-confine sa basic o ward rooms ng mga pribadong ospital para sa mga serbisyong medikal na saklaw ng PhilHealth.
“Para kahit na hindi lang ‘yung mga may kaya ang makakapunta sa ating mga private hospital para makakuha sila nung specialized na healthcare na kung minsan ay kinakailangan nila ngunit wala silang pambayad kaya hindi sila lumalapit at hindi sila nagpapatingin sa ating mga private hospital.” —Pangulong Marcos Jr.
Katuwang ng inisyatibong ito ang Zero Balance Billing (ZBB) program ng administrasyon, na nagbibigay ng libreng hospital services sa mga ward patient. Kasalukuyan itong ipinatutupad sa 79 DOH hospitals at apat na government-owned or -controlled hospitals.
Ayon kay PhilHealth Acting President and Chief Executive Officer Beverly Lorraine Ho, una nang naglaan ang St. Luke’s ng 53 kama para sa mga kwalipikadong pasyenteng nangangailangan ng specialized treatment, kung saan 50 sa mga ito ay okupado na.