Photo courtesy of Senate of the Philippines
Idineklarang hostile witness ng Senate Impeachment Court si Lemuel Ortonio, ang kasalukuyang assistant chief of staff ng Office of the Vice President (OVP).
Pinagbigyan ni Presiding Officer at Senate President Chiz Escudero ang mosyon ng prosekusyon matapos tanungin si Ortonio tungkol sa kaniyang kasalukuyang posisyon sa OVP at sa kaniyang relasyon sa trabaho kay VP Sara.
Sa pagtatanong ni Presiding Officer Chiz Escudero, kinumpirma ni Ortonio na naglilingkod siya batay sa kagustuhan ni Vice President Sara Duterte, matagal na siyang nagtatrabaho para kay VP Sara, at hanggang ngayon ay si VP Sara pa rin ang kaniyang boss.
Kinumpirma rin ni Ortonio na kapag na-impeach si VP Sara, mawawalan din siya ng trabaho.
Sa kasalukuyan, may posisyon si Ortonio bilang Assistant Secretary sa OVP at tumatanggap ng sahod sa antas na Salary Grade 29.
Batay sa kaniyang employment circumstances, idineklara si Ortonio bilang hostile witness.
Dahil sa ruling, maaari nang gumamit ang prosekusyon ng mga leading question sa pagtatanong kay Ortonio.
Gayunman, pinaalalahanan ni Escudero ang prosekusyon na nananatiling bawal ang mga tanong na misleading. Si Ortonio ang ikalawang testigong pormal na idineklarang hostile witness sa impeachment trial ni VP Sara.