Binubusisi pa ng Department of Justice (DOJ) ang mga dokumento kaugnay ng hiling na Estados Unidos na extradition laban kay Pastor Apollo Quiboloy.
Ayon kay Communications Usec Claire Castro, hindi pa tapos ang Department of Justice (DOJ) na pag-aralan ang bulto-bultong dokumento na isinumite sa kanila.
“Sa ngayon ang DOJ ay kasalukuyan pa pong binubusisi, inaaral, ina-asses ang bulto-bultong dokumento na naipasa sa kanila, at hindi pa po sila halos dahil sa napakaraming dapat pag-aralan.” —Castro.
Kasama aniya sa sinusuri ng ahensya ang identity o kung mismong si Quiboloy ang hinihiling na ma-extradite.
Gayundin kung mayroong double criminality o kung ang mga krimeng kinakaharap nito sa US ay kasama din sa mga krimeng pinapatawan ng parusa sa Pilipinas.
“Ang isa sa pag-aaralan po nila ay kung iyong identity mismo ng niri-request for extradition ay mismong si Pastor Quiboloy; pangalawa, kung mayroong double criminality, kung ang mga kaso na kaniyang kakaharapin sa US ay maituturing din na kaso na ating pini-penalize dito sa ating bansa.” —Castro.
Kung matatandaan, una nang sinabi ng Malacañang na malalaman sa mga susunod na linggo ang desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa extradition request pagkatapos dumaan sa prosesong naaayon sa batas ng bansa. “So, hintayin po natin kung kailan matatapos pero alam nila na ito ay agaran na dapat magkaroon ng desisyon. So, medyo makapal lang daw po at bulto ang mga dokumentong kanilang binabasa sa ngayon.” —Castro.