Isinusulong ng mga senador ang community-based approach sa school safety bilang alternatibo sa live-shooter attack drills sa mga paaralan dahil sa pangambang maaaring magkaroon ito ng negatibong epekto sa mga estudyante.
Sa sesyon ng Senado nitong Lunes, binigyang-pansin ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano ang planong nationwide live-shooter attack drill ng Department of Education (DepEd).
Iminungkahi ni Cayetano na sa halip na live-shooter drill, magsagawa ng national day o kalahating araw na community town hall sa bawat paaralan.
Aniya, maaari itong maging katulad ng pinalawak na parent-teacher association meeting kung saan lalahok ang mga magulang, estudyante, guro, school officials, religious leaders, youth leaders, business leaders, at iba pang miyembro ng komunidad.
Ibinatay ng minority leader ang kaniyang mungkahi sa joint position statement ng Philippine Psychiatric Association (PPA) at Philippine Society for Child and Adolescent Psychiatry (PSCAP).
Ayon sa senador, kinikilala ng mga psychiatric group na mahalaga ang paghahanda ng mga paaralan, pero dapat itong isagawa sa paraang trauma-informed at nakabatay sa ebidensya.
Sinang ayunan naman si Senate President Sherwin Gatchalian sa mungkahi ni Cayetano.
Samantala, binanggit din ni Senador Risa Hontiveros ang mga rekomendasyon ng PPA at PSCAP, kabilang ang pag-iwas sa hyper-realistic simulations, pagbibigay ng advance notice bago ang drills, at pagsasama ng mga mental health professionals ng paaralan sa pagpaplano.
Sinuportahan din ni Senate Committee on Basic Education Chairman Senador Bam Aquino ang community-based approach at iniugnay ito sa kaniyang panukalang School Safety Act.
Ayon kay Aquino, hindi niya isinasara ang posibilidad na magsagawa pa rin ng drills ang mga paaralan sa hinaharap, pero dapat munang maglatag ang mga komunidad ng malinaw na protocols at tukuyin ang responsibilidad ng bawat sektor.