Posibleng makapagpalakas sa kredibilidad ng isang testigo ang maliliit na hindi pagkakatugma o inconsistencies sa kaniyang testimonya, ayon kay Senate Impeachment Court spokesperson Atty. Reginald Tongol.
Ipinaliwanag ito ni Tongol matapos kuwestiyunin ng ilang senator-judge at House prosecution panel ang paulit-ulit at halos magkakaparehong sagot ni Gina Acosta, dating special disbursing officer ni Vice President Sara Duterte at hostile witness ng prosekusyon.
Paliwanag ni Tongol, batay sa mga desisyon ng Korte Suprema, maaaring magdulot ng pagdududa sa kredibilidad ng isang testimonya kapag sobra itong plakado o mukhang rehearsed.
Partikular na tinukoy ni Tongol ang desisyon ng Korte Suprema sa kasong People vs. Salimbago (1999), kung saan sinabi na ang “trivial inconsistencies” ay maaaring magpalakas sa kaso ng prosekusyon dahil inaalis nito ang hinalang rehearsed ang testimonya at ang posibilidad na ito ay sadyang gawa-gawa o perjured.
Nilinaw naman ni Tongol na pangkalahatang prinsipyo ito at hindi partikular na tumutukoy kay Acosta.
Sa paglilitis kahapon, ilang senator-judge ang nagpahayag ng pagkadismaya sa paulit-ulit na sagot ni Acosta kaugnay ng paggamit ng confidential funds.
Paulit-ulit kasing sinabi ni Acosta na umasa siya sa impormasyon ni Col. Raymund Lachica tungkol sa paggamit ng confidential funds dahil ito umano ang itinalaga ni VP Sara na humawak sa naturang mga transaksyon.
Tinawag pa ni Senator-judge Vicente Sotto III na “template” ang sagot ni Acosta. Hindi na rin ipinagpatuloy nina Senator-judges Panfilo “Ping” Lacson at JV Ejercito ang kanilang pagtatanong matapos makatanggap ng kaparehong sagot mula sa testigo.