Inamin ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor Eli Remolona Jr. na mahirap panatilihing nasa P60 kada dolyar ang palitan ng piso kontra dolyar dahil sa malaking trade deficit ng bansa.
Sa budget briefing para sa panukalang 2027 national budget sa senado, tinanong ni Senador Erwin Tulfo kung maaari pang bumaba sa P60 ang palitan ng piso kontra dolyar matapos umabot sa P61.72 ang kada US dollar.
Ayon kay Remolona, may direktang epekto sa inflation ang paghina ng piso dahil nagmamahal ang mga imported goods, kabilang ang langis, pagkain, raw materials at fertilizers.
Gayunman, sinabi niyang mas malaki ang epekto nito sa inflation kapag mabilis o biglaan ang paghina ng piso.
Kaya aniya, ang ginagawa ng BSP ay pagpigil sa matitinding pagbabago sa exchange rate, hindi ang pagtatakda nito sa isang partikular na halaga.
Sa halip na direktang kontrolin ang exchange rate, sinabi ni Remolona na kailangang palakasin ang exports ng bansa.
Kabilang sa mga maaaring makatulong dito ang Pax Silica at Luzon Economic Corridor bagamat maaaring matagalan pa bago makita ang epekto ng mga ito.
Binanggit din ni Remolona ang pangangailangang pataasin ang savings rate ng bansa bilang pangmatagalang solusyon.
Ayon sa kanya, nananatiling negatibo ang current account ng Pilipinas kahit isinasaalang-alang ang remittances ng overseas Filipino workers at kita mula sa business process outsourcing (BPO).
Samantala, iginiit ni Tulfo na kailangang maghanap ng mga paraan ang pamahalaan upang mapalakas ang exports at mabawasan ang labis na pagdepende sa remittances bilang pinagkukunan ng dolyar. | ulat ni Nimfa Asuncion