Sinabi ng Anti Money Laundering Council (AMLC) na nakatulong ang dinagdag na P162.9 milyong dagdag sa kanilang pondo sa ilalim ng 2026 budget para mapalakas ang paggamit nila ng artificial intelligence (AI) sa paglaban sa money laundering at iba pang krimen sa pananalapi.
Sa DBCC briefing sa senado, sinabi ni Bangko Sentral ng Pilipinas Governor at AMLC Chairman Eli Remolona Jr., P125 milyon mula sa dagdag na pondo ang inilaan sa pagpapalakas ng AI capability ng AMLC kabilang ang capacity building at pagkuha ng mga eksperto.
Inilahad ito ni Remolona matapos tanungin ni Senador Ping Lacson kung nakatulong ba sa AMLC ang dagdag na pondong sinuportahan niya at ni noon ay Senate Finance Committee Chairman Sherwin Gatchalian.
Sinabi ni Remolona na gamit na gamit ang P125 milyon para sa AI at capacity building dahil kinakailangan din ng AMLC ang mga eksperto na marunong gumamit ng naturang teknolohiya.
Bukod sa AI capability, kabilang din aniya sa pinaggamitan ng dagdag na pondo ang capacity building para matiyak na may sapat na kasanayan ang mga tauhan sa paggamit ng bagong teknolohiya laban sa money laundering. | ulat ni Nimfa Asuncion