Nadagdagan pa ang mga lugar na ipinatutupad ang price freeze sa mga pangunahing pangangailangan matapos ideklara ang state of calamity dahil sa epekto ng mga nagdaang bagyong Maymay at Luis, gayundin ng Southwest Monsoon o Habagat.
Batay sa datos ng Department of Trade and Industry (DTI), nadagdagan ng 28 barangay sa lungsod ng Maynila ang mga lugar na sakop ng price freeze. Iiral ito sa loob ng 60 araw o hanggang Oktubre 19.
Kasama rin sa mga bagong lugar na ipinatutupad ang price freeze ang buong lalawigan ng Bataan; Mangatarem, Pangasinan; Sablayan, Occidental Mindoro; at buong lalawigan ng Zambales.
Sa ilalim ng Price Act, kabilang sa mga basic necessities na sakop ng price freeze ang:
- Bigas, mais, karne, isda, gulay at prutas
- Tubig, gatas at kape
- Asukal, asin, mantika at sabon
- Kandila, LPG at gaas
Layunin ng price freeze na mapanatiling matatag ang presyo ng mga pangunahing bilihin at maprotektahan ang mga mamimili laban sa posibleng hindi makatarungang pagtataas ng presyo, lalo na sa panahon ng kalamidad.