📷 PCO
Giit ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na walang anumang transaksyon o kasunduan ang dapat pasukin ng pamahalaan kung ito ay maglalagay sa Pilipinas at sa mamamayang Pilipino sa alanganin.
Sa isang press briefing sa Malacañang, inihayag ni Presidential Communications Office (PCO) Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro na malinaw ang direksyon ng Pangulo na kailangang magdala ng tunay na pakinabang ang mga puhunan sa bansa nang hindi naisakripisyo ang interes ng taumbayan.
“Nagsalita rin po ang Pangulo, hindi maaaring gumawa ng anumang transaksyon na ang Pilipinas o mga Pilipino ang siyang madedehado,” pahayag ni Castro. “Kailangan po natin na magkaroon ng mga investments, pero hindi nangangahulugan na ang ating mga kapwa Pilipino ang magdurusa.”
Tiniyak ng Malacañang na mahigpit na babantayan ng gobyerno ang lahat ng pamumuhunan upang masigurong umaalinsunod ang mga ito sa mga umiiral na batas ng Pilipinas at iginagalang ang karapatan ng bawat mamamayan.
“So maliwanag iyan, hindi natin pababayaan kung ano ang itinatalaga ng ating batas, hindi natin iba-violate ang karapatan ng ating mga kapwa Pilipino,” dagdag pa ni Castro.
Ayon pa sa Palasyo, nananatiling bukas ang Pilipinas sa mga bagong pamumuhunan at pakikipagtulungang pangkabuhayan sa ibang bansa, basta’t ang mga ito ay magsusulong sa kapakanan at magtatanggol sa karapatan at kapakinabangan ng mga Pilipino.