Naisalba ng Department of Agriculture (DA) ang humigit-kumulang 32 toneladang gulay mula sa Cordillera Administrative Region upang hindi mabulok kasunod ng matitinding pag-ulan at pagbaha na dulot ng Habagat at Bagyong Neneng.
Ayon sa DA, ginawa ang maagap na hakbang sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. upang mapangalagaan ang mga ani at masigurong makararating ang mga ito sa mga pampublikong pamilihan para maiwasan ang pagkasira at ang pagkaantala ng supply sa merkado.
Inihayag ni DA Spokesperson at Assistant Secretary Arnel De Mesa na karamihan sa mga naisalbang ani—tulad ng carrots at Chinese cabbage—ay maagang itinakbo at ibinaba sa mga lugar na higit na naapektuhan ng ulan.
“Sa katunayan, bago pa dumating ang mga bagyo, sa utos na rin ng ating Pangulo at Secretary Kiko [Tiu-Laurel], iyong mga gulay sa Cordillera about 32 tons na ang naibaba dito sa Pampanga, sa Silang, Cavite sa tulong ng mga DA truckers,” pahayag ni De Mesa.
Dahil sa mabilis na pagbibiyahe ng mga produkto mula sa mga sakahan patungong pamilihan, napanatiling sapat ang supply ng gulay sa kabila ng pagiging impassable o hindi nadadaanan ng ilang kalsada sa gitna ng matinding ulan.
Bukod sa transportasyon ng pagkain, nakatutok din ang DA sa pagpapatayo at pagpapahusay ng mga cold storage facility para sa mga gulay upang mapaghandaan ang matinding panahon gaya ng mga bagyo at El Niño.
Binigyang-diin ni De Mesa na prayoridad ng Pangulo at ni Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr. ang mga hạkbang na ito.
“Marami nang natapos and marami pang ongoing. Kailangan talaga ‘yung cold storage sa ganitong panahon na sobrang ulan at hindi makagalaw ‘yung merkado. You can expect na tuloy-tuloy ‘yung pagsasagawa nitong necessary infrastructure gaya nitong cold storage,” dagdag ni De Mesa.
Kaugnay nito, pinalalakas din ng DA ang kanilang early-warning system upang agad na matukoy at matugunan ang banta ng pagkasira ng mga ani at aberya sa supply bago pa man dumating ang panahon ng pag-aani.
Nagsisilbing pangmatagalang solusyon naman ng kagawaran ang pagpapatayo ng mga mega cold storage at vegetable processing facilities na itatayo katabi ng Benguet Agri-Pinoy Trading Center. Inilaan na ang pondo para sa nasabing proyekto upang tuluyang masolusyunan ang suliranin sa supply at pagkasira ng mga gulay sa bansa.