Isinusulong ng Department of Education (DepEd) ang pagpapatibay sa pagpapatupad ng Academic Recovery and Accessible Learning (ARAL) program.
Ito’y makaraang mabawasan ang mga mag-aaral na nahihirapang magbasa sa 4.5 milyon noong School Year 2025-2026 habang nasa 2.5 milyon naman ang mga mag-aaral ang umabot sa tamang antas para sa kanilang baitang.
Nabatid sa isinagawang evaluation ng “Think Tank” group na Youth Impact katuwang ng World Bank, lumabas na tumaas ng 4.8 percent ang antas ng kahusayan sa pagbasa sa tamang baitang.
Katumbas ito ng 730,000 karagdagang mag-aaral na nakatugon sa naturang pamantayan.
Binigyang-diin din sa ulat ang paggamit sa mga data system ng DepEd upang mabilis na maiparating ang tulong sa mga paaralan at lugar na nangangailangan nito.
Ayon kay Education Secretary Sonny Angara, naging susi sa tagumpay ng ARAL program ang pagpapangkat sa mga mag-aaral batay sa kanilang tunay na antas ng kakayahan sa halip na sa edad.
Gayundin ang pagsubaybay sa pag-unlad ng mga estudyante gayundin ang pagtuturo at paggbay sa mga guro at paghahatid ng tulong sa mga paaralang nahihirapan.