Suportado ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ang mga pinaigting na hakbang ng Executive at Legislative para palakasin ang proteksyon sa mga bata laban sa online grooming, radicalization, exploitation, at iba pang banta sa cyberspace.
Kabilang dito ang panukalang House Bill No. 8262 o Social Media Protection for Minors Act, na naglalayong pagbawalan ang mga batang wala pang 13-taong gulang na gumamit ng social media at gaming platforms.
Ayon sa CICC, sa oras na maisasabatas ang panukala, handa itong makipagtulungan sa mga kaukulang ahensya at stakeholders sa pagbuo at pagpapatupad ng mga kinakailangang guidelines at polisya para matiyak ang epektibong proteksyon sa mga bata.
Tiniyak naman ng ahensya ang patuloy na pagtupad nito sa mandatong palakasin ang pagtugon ng bansa sa lumalaking online threats at isulong ang mas ligtas at secure na cyberspace para sa mga bata at iba pang vulnerable users.
