Itinutulak pa rin ngayon ng Department of Education (DepEd) ang isinumite nitong draft executive order (EO) kay Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na magbibigay kakayahan sa mga school head na magsuspinde o mag-resume ng klase sa mga paaralan.
Sa panayam ng Bangon, Bayang Mahal kay DepEd NCR Regional Director, Assistant Secretary Jocelyn Andaya, ipinunto nito na magiging malaking tulong ang nasabing kautusan kung maisasabatas dahil magiging mas localized at granular na ang suspensiyon at pagbabalik ng klase depende sa sitwasyon ng isang lugar o paaralan.
Giit ng DepEd, na magkakaiba naman kasi ang sitwasyon sa mga lugar kahit pa pang-kabuuan ang sinasabing epekto ng masamang panahon.
Paglilinaw naman ni Andaya, na ilang mga bagay din ang ikokonsidera ng school head bago ang pag-suspinde o pag-resume ng in-person classes kaya naman magiging malaking tulong sa pagdedesisyon ng mga school head ang inilunsad na Ligtas plus ng DepEd, na may napapanahong hazard at forecast information sa sitwasyon ng mga lugar at mga paaralan.
Magiging maigting din ang pakikipag-ugnayan ng school heads sa local chief executives bago ipatupad ang localized o granular suspension o resumption.