Pinaghahandaan na ng Department of Agriculture (DA) ang posibilidad ng food supply disruption bunsod ng mga extreme weather condition tulad ng malakas na habagat at matinding tagtuyot.
Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu-Laurel Jr., kapansin-pansin ang pabago-bagong panahon na isa sa mga sangkap upang magkaroon ng kakulangan sa suplay ng pagkain dahil sa pagkasira ng mga agri-produce.
Isa nga sa mga inihalimbawa ng kalihim ang suplay ng manok na noong matinding tag-init ay tumaas ang presyo dahil sa kakulangan ng suplay nito ngunit nang dumating naman ang tag-ulan at malakas na habagat ay muling nakabawi sa produksiyon at bumaba naman ang presyo.
Ang mga ganitong klaseng agri-market volatility ang mahigpit na binabantayan ng DA upang maiwasan ang pagkakaroon ng food supply disruption.
Kaya naman malaki ang bahagi ngayon ng iba’t ibang kooperatiba, processing plant, at storage facilities sa bansa upang maprotektahan ang suplay ng pagkain bagay na tinututukan at binubuhusan na ng pondo ng DA.
Dito kasi ay mas natutukan ang pagproseso ng agri-produce upang mapreserba ang mga ito, mapahaba ang shelf-life, at maiwasang masayang ang mga pagkain dahil sa excess production.