Nanawagan si TINGOG Party-list Rep. Jude Acidre sa CHED na taasan ang binabayarang reimbursement sa ilalim ng Free Higher Education (FHE) program upang matiyak na may sapat na pondo ang mga State Universities and Colleges (SUCs) sa pagbibigay ng de-kalidad na edukasyon.
Sa ginanap na budget hearing ng House Committee on Appropriations ukol sa panukalang 2027 badyet ng CHED, binigyang-diin ni Acidre, na chair ng House Committee on Higher and Technical Education, na ang pagsusuri sa tuition rates ng SUCs ay hindi nangangahulugang papasanin ito ng mga mag-aaral.
Sa ilalim ng batas, ang gobyerno pa rin ang magbabalik o magre-reimburse sa anumang adjustment.
Ayon kay Agrupis, kakailanganin lamang ng pamahalaan ng karagdagang ₱2.4 bilyong pondo upang maitaas sa ₱200 kada unit ang reimbursement para sa 94 na SUCs, na malaki ang maitutulong sa nararanasang kakulangan sa pasilidad.
Isiniwalat din ng CHED na nasa 68 porsiyento ng mga SUC at kampus sa bansa ang lampas na sa kanilang enrollment capacity, habang nagbabanta rin ang humigit-kumulang ₱28-bilyong funding deficiency sa ilalim ng Universal Access to Quality Tertiary Education Act (UAQTEA).
Ipinakita ni Acidre na ang sapat na reimbursement mula sa gobyerno ang susi upang matugunan ng mga pamantasan ang kakulangan sa mga silid-aralan, kagamitan at mga guro nang hindi naisasakripisyo ang kalidad ng pagtuturo.