Isinusulong ng Department of Public Works and Highways (DPWH) ang holistic river basin approach, upang mapababa ang insidente at panganib na dala mga pag-baha sa Pilipinas.
Ayon kay Communications Usec. Claire Castro, isinasaalang-alang ng gobyerno ang kondisyon at partikular na pangangailangan ng bawat lugar, upang malabanan ang pagbaha.
“Aayusin po ang flood control, per major river basin plan at iyon ang nakikita nila sa ngayon na tugma sa pinaka-lokasyon ng ating bansa,” — Castro.
Hindi rin aniya isinasara ng Marcos administration ang pintuan nito sa pagkakaroon ng isang national flood control master plan.
“Hindi po sinasara ng administrasyon ang patungkol sa masterplan, pero still dapat lahat itong aralin kung ano ang mas makakabuti sa ating bansa, kung paano mas matutugunan ang problema sa pagbaha, lalong-lalo na kung talagang napakalakas ng buhos ng ulan,” —Castro.
Gayunpaman, kailangang mapag-aralan ang lahat ng opsyon ng gobyerno at unahin ang mga pinakamabisang paraan, upang agad na matuldukan ang problema sa pagbaha ng bawat lugar.
“Lahat ng plano na puwedeng gamitin para matugunan ang problema sa pagbaha ay puwede namang gamiting sabay-sabay. Gawing sabay-sabay na hindi naman magkakaroon ng problema,” — Castro.