Umaasa ang Presidential Communications Office (PCO) na maisama pa sa panukalang 2027 budget ang hinihinging ₱20 milyon para sa renta ng office space ng Philippine Information Agency (PIA).
Sa budget hearing, napuna ni House Appropriations Committee Vice Chair Brian Poe kung bakit hindi kasama sa National Expenditure Program (NEP) ang naturang halaga.
Ayon kay Poe, mahalagang mailaan ang pondo dahil kailangang lumipat ng tanggapan ang mga empleyado ng PIA kapag nagsimula na ang retrofitting ng kanilang gusali.
Ipinaliwanag ni PCO Secretary Dave Gomez na napagbigyan na ng Department of Budget and Management ang kahilingan ng PIA para sa pondo sa pagsasaayos ng kanilang mahigit 40-taon nang gusali.
Gayunman, hindi naisama sa aprubadong budget ang ₱20 milyon para sa pansamantalang pag-upa ng office space habang isinasagawa ang konstruksiyon.
Sinabi ni Poe, na madali namang magagawan ng paraan ng komite ang paglalaan ng pondo para sa renta upang matiyak na may mapagtatrabahuhan ang mga empleyado ng PIA.