Kahit na maulan ang panahon, tuloy ang Run After Contribution Evaders o RACE Campaign ng Social Security System (SSS) para paalalahanan ang mga delinquent employer na tuparin ang kanilang obligasyon sa paghuhulog ng kontribusyon ng mga manggagawa.
Sa isinagawang operasyon ngayong araw sa South Triangle, Kamuning, Sacred Heart, Laging Handa at Obrero sa Quezon City, 10 delinquent employers ang inisyuhan ng notices of violation.
Kinabibilangan ito ng isang elevator at escalator services company, religious organization, manufacturer, medical firm, café, accountancy firm at law firm.
Ayon kay SSS Senior Vice Pres for NCR Operations Benjamin Dolindo Jr., umabot sa ₱4.2 milyon ang kabuuang delinquencies ng mga naturang employer, kabilang ang ₱P3.2 milyon na hindi nabayarang kontribusyon kung saan apektado ang nasa 114 na empleyado.
Bukod sa QC, simultaneous din ang operasyon sa buong National Capital Region (NCR) na target ang kabuuang 411 employers
Isinasagawa ang RACE Campaign alinsunod sa Republic Act No. 11199 o Social Security Act of 2018, para matiyak na tumutupad ang mga employer sa kanilang obligasyon.
Hinikayat naman ng SSS ang mga negosyo na regular na maghulog ng kontribusyon ng kanilang mga manggagawa.