Alas-8 ng umaga inaasahan si Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa Libingan ng mga Bayani sa Lungsod ng Taguig.
Ito’y upang pangunahan ang pagdiriwang ng National Heroes Day o Araw ng mga Bayani na kung saan, tema ng pagdiriwang ngayong taon ay “Diwa ng Kabayanihan, Lakas ng Sambayanan.”
Ilan sa mga inaasahang makakasama ng Pangulo sa okasyon ay sina Executive Secretary Ralph Recto, Defense Chief Gilberto Teodoro, Presidential Communications Office (PCO) Secretary Dave Gomez, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief General Antonio Nafarrete, at National Historical Commission of the Philippines Chairperson Regalado Jose Jr.
Karaniwang bahagi naman ng palatuntunan sa National Heroes Day ay ang pagbibigay ng pagpupugay ng Pangulo sa ating mga bayani maging sa mga sundalong hindi nakilala na namatay sa paglilingkod sa bansa sa pamamagitan ng pag-aalay ng bulaklak sa Tomb of the Unknown Soldier.
Inaasahang magbibigay din ng mensahe ang Pangulo sa pagdiriwang bilang pagkilala sa sakripisyo para sa bansa ng ating mga bayani.