Kaunting oras para ipagpasalamat ang buhay na biyaya ng Diyos kay First Lady Liza Marcos, hindi pagpapabaya sa obligasyon sa bayan ni Pangulong Marcos Jr. ayon sa Malacañang. Ang inilabas na video kung saan makikitang umaawit ang Pangulo ay hindi naganap nitong kasagsagan ng Habagat nitong nagdaang Biyernes at Sabado.
Hindi pag-iwan sa obligasyon ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang kaunting panahong iniukol nito upang ipagpasalamat sa Diyos ang biyayang buhay na bigay nito kay Unang Ginang Liza Marcos.
Ito ang binigyang-diin ni Palace Press Officer Undersecretary Claire Castro kasunod ng post ni Atty. Harry Roque na tila hindi man lamang nababahala at hindi apektado ang Chief Executive sa dinanas na hirap ng ating mga kababayan sa Habagat habang ipinapakita ang pagkanta ng Pangulo sa post ng dating spokesperson.
Ayon kay Usec. Castro, mismong ang mga nasa media ay saksi kung paano tiniyak ng Pangulo na maisaayos ang kalagayan ng ating mga kababayan at maipaabot ang tulong sa mga apektado ng kalamidad sa Bulacan at Pampanga.
Dagdag ni Castro na ang kaunting oras sa isang gabi na makasama ni Pangulo ang asawa at ang pamilya ay hindi naganap sa kasagsagan ng masamang panahon nitong nakaraang Biyernes o Sabado.
Pagbibigay-diin pa ng Palace Press Officer, tutok ang Pangulo sa sitwasyon ng paglakas ng buhos ng ulan kaya mabilis na pinapakilos ang mga ahensya ng gobyerno at mas pinipili ng Presidente na manatili sa bansa para sa patuloy na pagmo-monitor.