Totoo bang magagalit ang magsasaka kapag nag-aksaya ng kanin ang bata?
Wala nang magagalit, kung wala ng magsasaka.
Ito ang totoong kuwento ng mga magsasaka sa Pilipinas, hindi na sila bumabata.
Ayon sa Department of Agriculture (DA), sa kasalukuyan ay nasa 55 hanggang 59 ang karaniwang edad ng mga Pilipinong magsasaka.
Habang patuloy sila sa pag-araro ng mga malawak na sakahan, lumalawak din ang pagitan ng kanilang tumatandang populasyon sa susunod na henerasyon na magpapatuloy ng kanilang pinagpaguran.
Gaya ng pagtatanim na hindi tiyak kung may aanihin, ganito rin ang pag-asa ng mga magsasaka na may mga batang aani ng kanilang itinanim.
Malayo sa ekta-ektaryang taninam sa probinsya, may pag-asang umuusbong sa gitna ng urbanisasyon. Sa Barangay Novaliches Proper sa Quezon City, may bakanteng lote na pinagyabong ng bayanihan, itinataguyod ng mga kabataan.
Sa kasagsagan ng pandemya noong 2021, hindi napigilan ng restriskyon at maraming bawal ang pagsisimula ng SK Gulaynihan, ang kauna-unahang Sangguniang Kabataan-led urban farm sa Quezon City, bilang tugon sa seguridad sa pagkain at hamon ng climate change.
“Dito nag-ugat ang pagkakaroon ng urban farm sa aming barangay. Mula sa isang bakanteng lote, unti-unti namin itong inayos at kinultivate sa pamamagitan ng suporta at pondo ng SK at Barangay Council ng Novaliches Proper,” pahayag ni SK Chairperson Idene Rachelle Santiago.

Sa limang taon ng SK Gulaynihan, nakapag-ani na ang mga kabataan ng Barangay Novaliches Proper ng mahigit sa 150 kilo ng iba’t ibang gulay tulad ng talong, pechay, mustasa, okra, at malunggay na kanilang ipinamamahagi nang libre sa mga residente at pangunahing sangkap sa mga inilulunsad na feeding program para sa undernourished children sa komunidad. Patunay na may bunga ang bayanihan at malawak ang natutulungan ng isang community garden.
“Mayroong pananaw sa urban areas na ‘yung pagtatanim o pagfa-farm ay isang mababang gawain. Subalit, kami sa Sangguniang Kabataan ng Novaliches Proper ay naniniwala kami na dapat isulong ang agriculture sa ating lugar at sa ating bansa. Dahil ang ating mga magsasaka ang nagbibigay ng pagkain sa ating hapag,” paglalahad ni Santiago.
Pinakabatang volunteer ng SK Gulaynihan si Gabrielle Morilla, sa edad na 15 ay isa siya sa marahil iilan lamang na kabataang may pangarap na maging magsasaka at madumihan ang mga kamay sa paghawak ng lupa.
“Gusto ko pong maranasan na maging isang magsasaka, kung paano po yung hirap ng ginagawa po nila para may makain po ang mga Pilipino,” ani Morilla.
Dalawa o tatlong beses sa isang linggo ang pagbisita ng volunteers sa community garden upang maalagaan ang mga pananim. Iba-iba ang kanilang kuwento, may estudyanteng tulad ni Gabrielle, may out-of-school youth, at single parents, pero iisa ang kanilang hangarin, ang makatulong sa pagpapaunlad ng agrikultura at tumulong sa kanilang mga kapitbahay sa bawat gulay na aanihin.

Sa tulong ng Move to Change Foundation ay mas lumawig pa ang kaalaman sa paghahalaman ng mga kabataan ng Barangay Novaliches Proper. Sa ilalim ng AgriSanay Program, siyam na agricultural training sessions ang pinag-aralan ng 15 kabataang volunteers bago makapagtapos sa pagsasanay at aktwal na magamit ito sa SK Gulaynihan.
“Tinuruan sila mula sa pag-cultivate ng lupa, paano magpunla, paano mag-harvest, paano gumawa ng natural fertilizers o pataba para sa mga tinatanim naming,” kuwento ni Santiago.
Hindi lang ito kuwento ng mga tumatandang magsasaka at mga kabataang mukha ng pag-asa ng agrikultura, ito ay hamon din para sa pamahalaan.
Ang seguridad sa pagkain at pagpapanatili ng aktibong sektor ng agrikultura sa Pilipinas ay isang hamon na sinisikap tugunan ng pamahalaan. Noong 2021 sinimulang ilunsad ng DA ang Young Farmers Challenge Program na naglalayong hikayatin ang mga kabataang edad 18 hanggang 30 na pasukin ang sustainable agribusiness bilang pangunahing pagkakakitaan at pagsusulong ng food security sa bansa.
Hindi man namulat sa malawak na mga lupaing taniman, hindi naging bulag ang mga kabataan ng Barangay Novaliches Proper sa konsepto ng pagtatanim.
“Ikukuwento ko po sa kanila kung gaano kahirap maging isang farmer dahil hindi po talaga biro ang maging isang magsasaka dahil sila po ay maghapong nakayuko, napakadumi po ng kanilang kamay,” salaysay ni Gabrielle para sa mga batang gaya niya.
“Ang masasabi ko lang po sa mga kabataan, bawasan po nila ang kanilang screen time at magkaroon po sila ng activities gaya ng sa SK Gulaynihan, and sana po huwag po nilang sayangin ang pagkakataon na mayroon po ngayon dahil maraming madudulot ang pagtatanim,” giit pa ni Gabrielle.
“Hinihikayat namin ang mga kabataan na i-replicate ang urban farming sa kanilang sariling mga tahanan para sa sama-sama naming maisulong ang food security, environmental sustainability at bayanihan sa komunidad,” mensahe ni Santiago.
“Ang agrikultura at pagsasaka ay hindi isang mababang uri ng gawain. Kailangan nating basagin ang ganoong pananaw. Bilang agricultural country kailangan ‘yung kulturang ito ay maipapasa natin sa younger generation, sa ating mga kabataan,” pagtatapos ni Sangguniang Kabataan Chairperson Santiago.
Sa mga salita at pagkilos ng mga kabataan umuusbong ang pag-asa para sa sektor ng agrikultura sa Pilipinas.
Dahil ang pagiging magsasaka ay hindi pangarap na saka na lang natin papangarapin.