Nanawagan ang Council for the Welfare of Children (CWC) sa mga kabataan kaugnay ng paggunita sa Suicide Prevention Awareness Month ngayong buwan ng Setyembre.
Batay sa social media post ng CWC, naitala ng World Health Organization ang suicide bilang isa sa mga nangungunang sanhi ng pagkasawi ng mga kabataang may edad 15 hanggang 29.

Anila, ang suicide ay maiiwasan, kinakailangan lamang ang kooperasyon ng pamilya, eskwelahan, at komunidad na mabigyan ng wastong gabay at suporta ang mga kabataan na nakararanas ng pagsubok sa kanilang pag-iisip.
Binigyang-diin ng CWC ang kahalagahan din ng pagiging bukas sa paghingi ng tulong mula sa magulang, guro, o mapagkakatiwalaang kaibigan upang maibsan ang bigat ng pasaning pagsubok.

Maaari rin tumawag sa numero bilang Makabata Helpline 1383 o dumulog sa eGovPH App ng Department of Information and Communications Technology, at piliin ang icon na “child abuse”.
Paalala ng CWC, hindi ka nag-iisa sa anumang suliranin na iyong kinakaharap. Tandaan na sa lahat ng oras, laging mayroong handang makinig at umunawa.