Hinimok ni Abra Representative JB Bernos ang mga lokal na pamahalaan na magsagawa ng “rescue buy” sa mga ani ng magsasaka para hindi masayang ang kanilang produkto kapag may oversupply.
Ito ay kasunod ng ulat ng pagtatapon ng truckloads ng carrots at repolyo sa Tublay, Benguet dahil umano sa sobrang suplay at kakulangan ng bumibili.
Ayon kay Bernos, bilang pinakamalapit na sangay ng gobyerno sa komunidad, dapat manguna ang mga local government unit (LGU) sa pagsagip sa mga ani ng mga magsasaka.
Maaari aniyang ipamahagi ang mga nabili nilang produkto sa mga pamilyang nangangailangan ng pagkain.
Katunayan may ilang LGU na aniya ang nagpapatupad ng ganitong hakbang, lalo na kapag may kalamidad at kailangang iligtas ang mga produkto ng magsasaka at mangingisda.
Suportado rin niya ang panukala ni Education Secretary Sonny Angara na gamitin ang mga sobrang gulay sa pinalawak na school feeding program ng pamahalaan.