Hindi nakikita ng Office of Civil Defense (OCD) na sasapitin ng Pilipinas ang nangyaring flash flood sa Nepal dahil sa nangyaring pagkasira ng dam nito.
Ito ang naging pagtitiyak ni OCD Deputy Administrator, Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV kasunod ng pangamba ng ilan na magkaroon ng parehong senaryo sa bansa ang sinapit na sakuna ng Nepal.
Ani Alejandro, posible lang ang nasabing pangyayari kung magkakaroon ng dam failure bagay na malayong mangyari sa Pilipinas.
Isa sa mga pamamaraan upang hindi magkaroon ng overcapacity sa mga dam ay ang pagpapakawala nito ng tubig.
Hindi rin naman pinababayaan ng pamahalaan at iba’t ibang dam administrators sa bansa na magkaroon ng malawakang aberya sa mga dam at tiniyak na patuloy ang maintenance ng mga ito.