Magpapatupad na ng mas mahigpit na polisiya ang Quezon City government sa mga infrastructure project partikular sa mga nag-iiwan ng construction debris, basura at sirang public facilities sa kanilang lugar ng proyekto.
Sa ilalim ng Quezon City Construction Site Restoration and Cleanup Compliance Ordinance o SP-3519, S-2026, kinakailangang makakuha ng Certificate of Site Restoration and Cleanup Compliance (CSRCC) ang lahat ng public at private infrastructure projects bago opisyal na tanggapin o tuluyang ma-authorize ang mga ito.
Ayon sa LGU, layon ng ordinansa na maiwasan ang pagbara ng construction debris sa mga kalsada, sidewalk, drainage system, waterways at iba pang pampublikong lugar na maaaring magpalala ng pagbaha at magdulot ng panganib sa mga residente.
Kabilang sa requirements ang paglilinis ng construction at demolition debris, pagsasaayos ng mga apektadong kalsada at drainage, maayos na backfilling at compaction, at pagsunod sa environmental at waste-management regulations.
Ang mga lalabag naman dito ay maaaring patawan ng multa at iba pang parusa, kabilang ang withholding ng project acceptance, pagsususpinde o pagtanggi sa building-related permits, forfeiture o hindi pag-release ng performance bonds para sa public infrastructure projects, at pagsususpinde o pagsasara ng construction operations hanggang makasunod sa mga itinakdang requirement.
“Every infrastructure project must be completed in a safe, orderly, and environmentally responsible manner. No developer or project proponent should be allowed to leave behind debris that threatens our people, communities, and environment,” pahayag ni Mayor Joy Belmonte.