Mahigpit pa rin ang paalala ng Department of Health (DOH) hinggil sa basta-bastang pamimigay at paggamit ng gamot na doxycycline na panlaban sa sakit na leptospirosis.
Ito ang naging pahayag ni Health Undersecretary, Dr. Gloria Balboa kasunod ng mga naitatalang kaso ng leptospirosis bunsod ng serye ng mga pag-ulan at pag-baha.
Ayon kay Balboa, mahalaga na isang trained health worker ang magbigay ng doxycycline upang hindi magkaroon ng pagkakamali sa paggamit ng nasabing antibiotic lalo’t naka-base ang dosage nito sa level of exposure ng isang indibidwal sa baha.
Kaya naman mahalaga na magpakonsulta muna sa mga doktor, health professionals, at health institutions upang mabigyan ng gabay sa pag-inom ng doxycycline.
Payo pa ni Dr. Balboa sa mga lokal na pamahlaan, na imbes na unahin ang pamamahagi ng doxycycline ay unahin na lang ang pamamahagi ng mga protective gear tulad ng bota at raincoats upang mas mabawasan ang exposure ng mga residente sa baha.
Dagdag pa ni Balboa, na may inilabas na ring guidelines ang DOH hinggil sa pagbibigay ng doxycycline prophylaxis upang mas magabayan ang publiko hinggil sa tamang paggamit at pag-inom nito.