Hindi mamadaliin ng prosecution team ang pagharap ni dating Department of Education (DepEd) Special Disbursing Officer (SDO) Edward Fajarda sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.
Ayon kay House Committee on Human Rights Chairperson at Manila Rep. Bienvenido “Benny” Abante Jr., nakahanda silang maghintay hanggang sa siya ay ganap na gumaling.
Sinabi ni Abante na dapat unahin ang kalusugan ni Fajarda matapos itong magkaroon ng karamdaman na naging dahilan ng pagpapaliban ng kanyang pagharap sa witness stand.
Ipinagpaliban ng Senate impeachment court ang pagtestigo ni Fajarda matapos kumpirmahin at irekomenda ng Senate Medical Bureau na kailangan muna niyang magpahinga.
Ayon pa kay Abante, nakahandang maghintay ang panig ng prosecution. Si Fajarda ay nagsilbing SDO ng DepEd noong si Duterte pa ang kalihim ng kagawaran, at isa siya sa mga pangunahing saksi kaugnay ng kontrobersyal na ₱112.5 milyong confidential funds na inilabas sa nasabing ahensya noong 2023.