Itinutulak ni Akbayan Party-list Representative Chel Diokno ang panukalang batas na naglalayong alisin sa mga consumer ang system loss charges sa kanilang electricity bills.
Sa House Bill 10585 o Zero System Loss Act, nais ni Diokno na obligahin ang mga distribution utility na sila ang sumagot sa technical at non-technical system losses.
Ayon kay Diokno, umaabot sa halos limang porsyento ng average electricity bill ang system loss charges, na binabayaran ng mga consumer kahit hindi naman nila nakonsumo ang kuryente.
Giit niya, hindi makatarungan na pasanin ng mga pamilyang walang kontrol sa operasyon ng power distribution system ang gastos dahil sa inefficiency at pagnanakaw ng kuryente.
Sa halip, dapat aniyang mahikayat ang mga power distributor na ayusin at gawing mas episyente ang kanilang mga lumang pasilidad at distribution lines.
Sa panukala, maaari pa ring masingil ng mga utility ang mga mapapatunayang responsable sa electricity theft, meter tampering at iba pang ilegal na gawain.
Hinimok din ni Diokno ang Energy Regulatory Commission na tiyaking ginagamit ng mga distribution utility ang kanilang kita para sa pagsasaayos ng mga grid at linya, sa halip na ipasa ang system losses sa mga consumer.