Photo courtesy | Pacific Islands Forum
Naglaan ang Australia at Estados Unidos ng kabuoang 580 milyong dolyar para suportahan ang mga bansang nasa Pacific Islands.
Ito ay sa gitna nang patuloy na pagpapatibay ng dalawang bansa sa kanilang ugnayan sa rehiyon.
Ayon kay Australian Prime Minister Anthony Albanese, maglalaan ang Canberra ng 430 milyong dolyar sa rehiyon upang makatulong sa paglaban sa iligal na pagpasok ng droga at organisadong krimen.
Kapaloob sa nasabing pondo ang paggamit ng aerial surveillance at pagsasanay para sa mga pulis at border officials.
Binigyang-diin ni Albanese ang kahalagahan nang pagtutulungan ng Australia at mga bansang Pasipiko upang masolusyunan ang mga suliraning kinahaharap ng rehiyon.
Samantala, 150 milyong dolyar naman ang ilalaan ng Estados Unidos para sa mga programa sa Pacific Islands.
Kabilang dito ang 60 milyong dolyar para sa enerhiya, partikular sa pagpapalawak ng fuel storage at pagpapalakas ng power grids.
Ang anunsyo ay ginawa sa Pacific Islands Forum sa Palau na sinusubaybayan din dahil sa lumalaking kompetisyon ng U.S., Australia, at China para sa impluwensiya sa rehiyon.