Mahalaga ang mahusay at matatag na mga institusyon sa pagpapaunlad ng buhay ng bawat Pilipino.
Ito ang binigyang-diin sa paglulunsad ng Philippine Institute for Development Studies (PIDS) ng ika-24 na Development Policy Research Month, na ginanap sa Novotel sa Quezon City.
Tinalakay ng mga miyembro ng PIDS Scientific Committee na sina Dr. John Paolo Rivera, Dr. Valerie Ulep at Dr. Michael Abrigo ang kahalagahan ng pagkakaroon ng mga institusyong matatag at nagtutulungan upang maisulong ang paglikha ng mas maraming oportunidad sa bansa.
Ayon sa mga eksperto, bagama’t may mga reporma sa pamahalaan na ipinatupad sa mga nakalipas na taon, nananatili ang hamon sa pagkakaroon ng pangmatagalang pagbabago.
Dahil umano sa kakulangan sa koordinasyon sa pagitan ng mga institusyon, na nakaaapekto sa produktibidad ng bansa. Kung kaya, dapat umanong mas pagtuunan ng pansin ang pagtitiyak na magiging epektibo ang mga ipinatutupad na proyekto ng pamahalaan.
“This does not mean projects, budgets, or compliance are unimportant. They are very important. They are necessary. But they are means, not the final outcome. The goal is not simply to do more things; it is to make the system work better together,” pahayag ni Dr. Abrigo.
Samantala, pinarangalan din ng PIDS ang ilang media institutions sa pagtulong ng mga ito sa pagpapalaganap ng diskursong nakabatay sa pagsasaliksik.
Kabilang dito ang Philippine Information Agency, na ginawaran ng Lingkod Dunong Outstanding Government Media Partner Award.
