Suportado ng Civil Service Commission (CSC) ang panukalang pagtataas ng Personnel Economic Relief Allowance (PERA) para sa mga manggagawa sa pamahalaan.
Sa naganap na budget hearing sa 2027 budget ng CSC, tinanong ni Akbayan Party-list Representative Dadah Kirma Ismula si CSC Chairperson Marilyn Barua-Yap kung ano ang posibleng hakbang o aksyon ng komisyon hinggil dito.
Tugon ni Chair Yap, magrerekomenda sila sa Department of Budget and Management (DBM) na baguhin ang sistema ng kompensasyon upang maipagkaloob na ang matagal nang hinihiling na umento sa PERA ng mga government employees.
Umaasa naman si Ismula na agad itong isusulong ng CSC upang maiparating at matugunan ang panawagan ng mga kawani ng gobyerno.
Matatandaang may nakabinbing panukalang batas ang Akbayan Party-list sa pamamagitan ng House Bill 3874 o panukalang Dagdag PERA Bill na layong itaas ang buwanang allowance ng mga empleyado ng gobyerno sa ₱8,000 mula sa ₱2,000.