Itinanggi ni National Irrigation Administration (NIA) Administrator Eddie Guillen na mayroong ghost o substandard projects ang kanilang ahensya.
Kasunod ito ng pagkuwestiyon ni Kamanggagawa Party-list Representative Eli San Fernando sa budget hearing ng House Committee on Appropriations.
Tinukoy ng mambabatas ang puna ng People’s Budget Coalition na may recurring pattern umano ng anomalous infrastructure insertions sa mga proyekto ng NIA, na inihambing sa kontrobersiya sa flood control projects ng DPWH.
Paliwanag ni Guillen, dumaraan sa technical validation, prioritization, costing at assessment ang mga proyekto ng NIA bago ipatupad, bukod sa evaluation ng DBM, procurement laws, COA auditing requirements, approved engineering plans at iba pang regulatory requirements.
Giit ni Guillen, wala silang naiulat na ghost o substandard projects at mahigpit nilang sinusunod ang prinsipyo ng “right project, right price, right quality.”
Hinamon din ni Guillen ang mga mambabatas na aktuwal na bisitahin at inspeksyunin ang mga proyekto ng NIA at kausapin ang mga magsasaka upang malaman kung mayroon silang reklamo sa mga proyekto.
Una nang humingi ang NIA ng humigit-kumulang ₱233-bilyong pondo, ngunit nasa mahigit ₱47-bilyon lamang ang nakapaloob sa panukalang budget para sa 2027.