Tiniyak ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) na ligtas kainin ang laman ng kanilang Family Food Packs (FFPs) dahil sa mahigpit na quality control.
Ang pahayag ay kasunod ng ulat na may ilang nakapansin umano ng hindi magandang amoy sa bigas na kasama sa food packs.
Agad itong bineripika ng DSWD Field Office 5 sa Bicol Region, ngunit wala umanong natanggap na report tungkol sa mabahong bigas sa kanilang FFPs.
Paliwanag naman ni DSWD Asistant Secretary Leo Quintilla, sinisiguro ng kagawaran na may certification ang mga rice supplier na nagsasaad na ang bigas ay well-milled, may moisture content na hindi lalampas sa 14%, walang kakaibang amoy o contaminants, at dapat ding na-mill sa loob ng tatlong buwan bago ang delivery.
Ipinatutupad din ang First Expiry, First Out (FEFO) at regular na inspeksyon sa mga produkto at food pack boxes. Ang mga kahong may moisture damage, punit o butas ay agad na ihihiwalay at hindi ipamamahagi.
Ang bawat FFP din ay naglalaman ng anim na kilo ng bigas, tuna flakes, corned beef, sardinas, instant coffee, at choco malt drink, na iniayon sa Recommended Energy and Nutrient Intake (RENI).
Hinimok naman ng DSWD ang publiko na agad i-report sa ahensya o sa kanilang LGU ang anumang problema sa mga natanggap na relief items.
Sa pinakahuling tala ng ahensya, aabot na sa 2.4 milyong FFPs na ang naipamahagi ng DSWD hanggang September 1 sa mga pamilyang naapektuhan ng mga nagdaang bagyo at habagat.
📸 DSWD

