Bahagyang bumuti na ang kalidad ng hangin sa Quezon City, batay sa monitoring ng air quality sensors ng lokal na pamahalaan.
Ayon sa QC LGU, nananatili sa Alert level 1 ang Air Quality Index sa lungsod.
Dahil dito, bilang pag-iingat, pinapayuhan pa rin ang mga mag-aaral at manggagawa na magsuot ng face mask sa pagpasok sa paaralan at trabaho at iwasan ang matagal o mabibigat na physical activities sa labas.
Para naman sa mga kabilang sa vulnerable groups gaya ng senior citizens, buntis, at mga may asthma o iba pang respiratory conditions, hinihikayat na manatili muna sa loob ng bahay hangga’t maaari at iwasan ang hindi kinakailangang paglabas.
Una nang sinabi ng Department of Environment and Natural Resources-Environmental Management Bureau (DENR-EMB) na posibleng magpatuloy hanggang September 3 ang haze sa ilang bahagi ng Pilipinas dahil patuloy na naihahatid ng habagat ang usok mula sa mga forest fire sa Kalimantan, Indonesia.
