Malugod na tinanggap ng Bureau of Customs (BOC) ang paghahain ng reklamo ng Philippine National Police-Highway Patrol Group (PNP-HPG) kaugnay ng insidente sa cigarette condemnation sa Bulacan noong Agosto.
Ayon sa BOC, magsisilbing daan ang reklamo upang malinaw ang mga pangyayari, matukoy ang mga katotohanan, at manaig ang due process.
Nagsasagawa na rin ng sariling internal investigation ang ahensya kasunod ng insidente.
Binigyang-diin ni BOC Commissioner Ariel Nepomuceno na walang puwang sa ahensya ang anumang mapatutunayang maling gawain, pang-aabuso o iligal na aktibidad ng mga tauhan.
Anumang personnel na mapatutunayang lumabag sa batas o umabuso sa kapangyarihan ay maaaring maharap sa kaukulang administrative, civil, at criminal sanctions.
Tiniyak naman ng BOC ang buong pakikipagtulungan sa PNP-HPG at iba pang awtoridad habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.