Pinagtibay ng Supreme Court (SC) na maaaring patawan ng parusa ng homeowners’ associations (HOA) ang mga miyembrong hindi nagbabayad ng association dues, ngunit hindi maaaring pagbawalan ang mga ito sa paggamit ng common areas gaya ng subdivision roads.
Sa desisyong isinulat ni Associate Justice Alfredo Benjamin Caguioa, ibinasura ng Third Division ng SC ang petisyon ng dating mga opisyal ng La Costa Brava Homeowners’ Association, Inc.
Nag-ugat ang kaso sa mag-asawang Linley at Juvy Retirado na hindi nakabayad ng buwanang dues mula 2016 hanggang 2021 at kalauna’y pinatawan ng ilang restriksiyon, kabilang ang limitasyon sa deliveries, pagpasok ng mga bisita, at paggamit ng transportasyon sa loob ng subdivision.
Nauna nang nagpasya ang Human Settlements Adjudication Commission (HSAC) na lumabag ang mga parusa sa Republic Act 9904 o Magna Carta for Homeowners and Homeowners’ Associations.
Ayon sa SC, maaaring limitahan ang ilang community services sa delinquent members ngunit hindi maaaring ipagkait ang karapatang gumamit ng mga kalsada at iba pang common areas.
Pinagtibay rin ng SC ang permanenteng diskwalipikasyon sa mga opisyal na responsable sa pagpapatupad ng naturang mga restriksiyon.